Pagtataya/Assessment

Blog na tumutugon sa pangangailangan sa EDS 113

” Grabe ang hirap ng exam puro identification at fill in the blanks ! hay naku bagsak na naman ako…Pasado ka ba? “

Nakaranas ka na ba na wala kang masagot sa exam ng guro mo? dahil di ka nakagawa ng reviewer na nakalista ang mga importanteng termino na tila mas mahaba pa listahan ng utang ng kapitbahay nyo? Iiyak ka na lang at hihilingin matapos na ang oras ng exam dahil wala kang masagot. Pumasa ka ba?

Karaniwan na kapag bumagsak sa isang pagsusulit, ang sisihin ay ang sarili dahil hindi nag-aral? o iba ang pinag-aralan? baka naman puro tanong na “Ano, Sino, Saan” ang nasa pagsusulit na kapag hindi kabisote/magaling magkabisado ang bata tiyak na babagsak. Sa ganung paraan na lamang ba natin sinusukat ang kakayahan at natutunan ng mga mag-aaral? ito ba ay magagamit nila sa mga susunod na panahon? Sa ganitong punto isipin na maaring mali o hindi mahusay ang pagkakabuo ng isang pagsusulit.

Sa danas ko bilang guro sa wikang Filipino ay iniiwasan ko ang pagbibigay lamang ng mga tanong sa pagsusulit na susubok lamang sa husay sa pagmemorya, bagkus naglalagay ako ng mga tanong na”Paano, Bakit, Kung ikaw ang, Ipakita sa pamamagitan,Ipaliwanag, limihin” bukod sa mga tanong na “sino, ano at saan”

Sa panahon ngayon, masasabi kong matatalino ang mga bata, mas maalam sila sa teknolohiya kaya gumagamit rin ako ng mga pamamaraan na mananabik sila katulad ng paggamit ng kahoot.com, mentmeter.com at iba pang aplikasyon sa kompyuter.

Nararapat na tandaan na ang mga pagtatayang itong ay kagamitan sa pagkatuto at hindi magpahirap sa mga mag-aaral o gawan sila ng trauma. Mas makabubuti kung huwag tayong magpatali sa isang uri ng pagtataya, kung maari ay maging malikhain at paglaanan ng panahon ang pagbuo sa mga ito.

Katangian ng isang mahusay na guro ang hindi lamang magaling magsalita o magaling sa asignaturang tinuturo, kasama rin sa kakayahan ng isang guro na tiyakin na nasa tamang bahagdan ng karunungan ang kanyang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pagtataya.

Tandaan huwag lamang gumamit ng knowledge type ng exam. Gumamit ng application , evaluation, synthesis type of exam upang makabuo tayo ng susunod na henerasyon na lohikal at kritikal mag-isip.

Responsibilidad ng guro na palaguin ang kanyang sarili lalo na ang kanyang kakayahang makabuo ng makabuluhang mga uri ng pagtataya na aayon sa pangangailangan ng kasalukuyan at pakikinabangan ng lipunan. Hamon ito sa bawat guro na pagsumikapan ang pagbuo ng pagtataya. Tanungin natin ang ating sarili pumasa ba ang mga estudyante sa pagsusulit o ang pagsusulit na iyong ginawa ang hindi pumasa bilang mahusay na pagtataya?

Published by rheneerosegonzaleslim

Teacher, student, consultant, curriculum developer, author

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started