Finals na! Final na naman! hay naku finals na naman….
Tuwing matatapos ang semestre, ito ang pinaghahandaan, pinagkakaabalahan at masasabing kinatatakutan ng mga estudyante. Estudyante lang ba? baka pati si teacher? Hindi lang naman ang mga estudyante ang nayayamot sa tagpo ng Finals. Ang hirap kayang gumawa ng exam! sa madaling salita nahihirapan ang estudyante at nahihirapan rin ang guro? Tignan natin.
kadalasan isang buwan bago ang iskedyul ng Final exam ay nagkukumahog ang mga gurong gumawa ng TOS (Table of Specification) ipapipirma sa Puno ng Departamento, sasang-ayunan ng Prinsipal at doon palang maaring magumpisa ang pagbuo ng mga katanungan na kinatatakutan ng mga estudyante tuwing Final Exam.
Isa, dalawa, tatlo, lima, sampu o mahigit pang araw ang nilalaan ng isang gurong tulad ko para matapos ang buong mga Pinal na pagsusulit. Antok-tiis-puyat-tiis. Ano ba ang dapat isaalang-alang naming mga guro sa pagbuo ng mga pagsusulit? Marami ! Una, tugma ba sa mga layunin ng aralin ang gagawing katanungan, ikalawa, ikonsidera rin ang uri ng pagsusulit na ibibigay at ang antas ng kahirapan nito kung sasapat ba ang ilalaang oras at ikatlo inaayon rin sa kasanayan at kapabilidad ng mga mag-aaral at kurikulum na dapat tinataglay na kaalamang matamo. Di ba hindi madaling gumawa ng exam? Quiz, Prelim, Midterm o Final man yan. Mahirap ngunit tuloy-tuloy pa rin dahil ito yung buhay na pinili ng guro, ito yung sinumpaan na responsibilidad sa bayan, ito yung dahil may pangarap kami para sa aming mga mag-aaral na sususnod na magmamana ng mundo!
Bago ka magalit sa guro mo dahil nahirapan ka sa pagsusulit, tignan mo muna ang iyong sarili, siyasatin baka ikaw ang may pagkukulang? Bago ka nahirapan, mas nahirapan ang gurong minura-mura mo patalikod. Na kahit pasado o bagsak ang iyong resulta itatala nya yan sa iyong rekord. Hindi lang tintang itim o pula ang puhunan ng mga guro kundi dedikasyon na kadalasan ay binabalewala ng lipunang inaalayan nya ng lahat.
Sana hindi lang basta assess ang ang isang assessment sana may assist rin o suportang nakukuha ang guro sa kanyang mga kabaro sa edukasyon lalo na sa mga nakaupo sa upuang tinitingala.

