Pagninilay-nilay sa behaviorist theory….
Interesante, konektable, pantao… yan ang tatlong salita na naisip ko matapos na maunawaan ko ang talakayan patungkol sa beheviorist theory, maaring may mga limitasyon ngunit ang mahalaga ay nakatutulong, nagagawa at nakapagpapaunawa kung sino nga ba tayo. Hindi ko kayo kilala personal at mahirap bumuo ng isang repleksyon patungkol sa ibang tao. Sa makatuwid ito ay repleksyon ko batay sa aking nauwaan at na napagtanto patungkol sa aking sarili.
Masasabi ko na lumaki ako at naging matino naman sa pamamabitan ng Operant conditioning na ginawa ng aking mga magulang at ginawa ko sa aking sarili, sa pamamagitan man ng gantimpala o parusa.
Bata pa lang ako nakakolekta na ako ng mga Barbie, laruang bahay-bahayan at mga librong pambata. Hindi kami mayaman ngunit ito yung mga naging gantimpala ko kapag nakapapasok ako sa Top sa klase, sa dami naming mga kamag-anak kapag nalaman nila na nakapasok ako sa Top nireregaluhan nila ako ng isa sa aking mga nabanggit, tulad ng inaasahan mas ginalingan ko pa. Mas nagpursigi dahil hindi ako ipinanganak na matalino sinipagan ko rin ang pagkokondisyon sa utak ko mula elementarya hanggang matapos ko ang masterado ko ay hindi naging palpak ang operant conditioning ko sa utak. Dati kapag nagre-rebyu ako, hindi ako kakain hahayaan ko ang sarili ko apihin ko hanggang hindi ko natatapos ang pagbabasa ng tatlong libro na i-rebyu para sa aming asignatura. Madami akong dagdag trabaho(Consultant ng mahigit sa limang paaralan, manunulat, guro at mag-aaral sa UPOU) hanggang sa ngayon, kinokondisyon ko ang utak ko na matapos ang mga dapat matapos at bibigyan ko ng masarap na bakasyon sa Bikol o Ilocos ang aking sarili kasama ang aking pamilya o kaya naman ay pagkain sa mamahaling restaurant. Ganyan tumatakbo ang utak ko Operant conditioning gamit na gamit ko talaga. Ngunit minsan naaalala ko na tao din ako kahit may operant conditioning pa, napapagod ako at di ko napipigilan ang depresyon na nararanasan ko biglang lungkot at iiyak na walang dahilan. Iniisip ko ngayon buong buhay ko kinondisyon ko ang aking utak, ginawa kong komyuter na dahil sa gantimpala at parusa ay napapasunod ko. Matapos ng araling ito sana pag-aralan rin ang epekto ng operant conditioning sa emosyon ng tao, baka nga may koneksyon ang pinagdadaanan kong depresyon dahil sa napagod na akong ginawa kong robot ang aking sarili. Naisip ko naging malupit ba ako sa sarili ko? kahit pagod na pagod na ako kailangan para sa gantimpalang ibibigay ko sa sarili ko at sa aking pamilya.
Mahirap pero kakayanin, konting hinga, konting wasiwas, konting pikit at konting iyak. Iisipin ko na lang ang mga gantimpala at matatakot sa parusa tila isang bata na nakalugmok ngunit kailangang bumangon sa laban ng buhay mula noon hanggang ngayon.

