Rubrik at Fidbak… ito yung kasama sa araw-araw na mundo ng mga guro at estudyante. Ang guro gagawa ng mga pamantayan/rubrik paano gagraduhan ang isang mag-aaral batay sa ipinakitang galing/husay sa isang gawain. Fidbak, magbibigay puna, suhestyon, panunuri ng guro sa ipinamalas ng mag-aaral. Laging magkapareha ang dalawang ito. Kung may pamantayang ibinigay dapat malaman ng pagbibigyan mo ng pamantayan kung at kung paano nya ito isinagawa, dapat pa bang pagbutihan? ilang porsyento ang tama o maling nagawa? sa anong punto mas dapat paghusayan? ano ang mga hakbang ang dapat isagawa upang mas mapahusay? kahinaan at kalakasan? Kaya nararapat lang na ang dalawang ito ay sasalamin sa layunin ng paksa at sistematiko ang pagbuo.
Pampaaralan man o sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan ay may Rubrik at Fidbak na sinusunod ang tao. Sabi ng lipunan ang pagiging mabait na misis ay maging malambing sa mister, maging mahusay na kusinera at labandera, mapag-alaga sa mga anak, maging malinis sa bahay, hindi bungangera, magaling sa kama, maunawain kahit lokohin, mapagpatawad sa lahat ng pagkakamali ng mister, hindi nanghihingi ng sweldo sa mister bagkus ay naghihintay abutan, magaling tumawad sa palengke at nararapat na panatilihin ang pagiging sariwa at mabango, ito yung Rubrik ang hirap di ba? may lebel na 1-5 yan. Fidbak ang pagsabi sa misis ng kanyang byenan “Mali yata ang dami ng nilagay mong asukal sa kape ni Francis” ” Kuskusin mo dapat maigi ang sahig hanggang pumuti” ” Sa susunod magiging mahusay kang misis dahil sa aking mga payo”
Ang daming Rubrik at fidbak loob at labas ng paaralan ang daming magbibigay ng pamantayan at madaming maaring masabi masama man o mabuti. Nasanay na nga ang mga tao sa ganung kalakaran. Sa lahat ng sinabi at inilatag ang tanong natuto ka ba?

