Panahon ng Pandemya at Pagkatuto

Sa unang pagsabak pa lamang sa asignatura, naisip na napapanahon na matutunan ang mga nilalaman ng aralin dahil sa hamon ng kasalukuyang sitwasyon ng pandemya sa buong mundo. Ang paggamit ng mga elektronikong kagamitan upang mas mapadali ang pagtuturo at pagkatuto ay hindi na bago sa akademya lalo na sa mga paribadong institusyon/paaralan. Kasama na ito sa kagamitang pagkatuto ng bawat klase.

Sa pamamagitan ng paggamit ng Midya at iba pang elektronikong kasangkapan ay mas nauunawaan ng mag-aaral ang talakayan, mas naisasabuhay ang mga leksyon sa mas napapanahon at praktikal na pamamaraan. Nagkakaroon ng kulay at buhay ang dating kartolina at Manila paper na bitbit ng mga guro. Mas madali na ang pagbuo ng mga pagtataya at pagbibigay ng puntos. Hindi na kailangang pilitin ang mga mag-aaral na magbigay ng atensyon sa talakayan. Maaring makahanap ng mga dagdag pang materyales ang mag-aaral babasahin man o panonoorin sa loob ng internet na hindi lamang nakasalig sa sinabi ng guro sa loob ng klase. Tunay nga na nakapagbibigay laya sa pagkatuturo at pagkatuto ang paggamit ng iba’t ibang uri ng midya.

Sa kasalukuyan hindi mamumukod ang paggamit ng iba’t ibang elektronikong kagamitan sa pagkatuto sa mga pangpribado bagkus isyu ito maging sa pampublikong paaralan kung paano mapapatupad ang blended learning, virtual learning, home school learning na mungkahing solusyon ni Leonor Briones ( Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon) Lumabas ang isyu ng karapatang matuto para sa lahat at hindi lamang sa may kakayahan at kagamitan. Nagmungkahi ng solusyon na sa pamamagitan ng modyul, radyo at telebisyon. Lahat ay nag-aabang sa tagumpay at bisa ng gagawing paraan ng pagkatuto ngayong darating na Agosto na simula ng pasukan.

Bilang guro hindi man panahon o hindi man panahon ng pandemya ay nararapat na pursigihin ang sarili ng iba’t ibang paraan kung paano mapagbubuti ang proseso ng pagtuturo-pagkatuto gamit ang iba’t ibang midya at kagamitang pang-elektroniko. Hindi lamang ito hamon sa panahon ng pandemya kundi dati pa itong hamon sa ating lahat na paunlarin ang sarili sa pamamagitan ng pagkatuto ng panibagong paraan ng pagtuturo gamit ang mga pang-elektronikong kagamitan.

Sana sa pamamagitan ng asignaturang ito ay mapaunlad ko ang aking kaalaman sa kagamitang pagtuturo.

Hanguan:

Benjamin Herold. Technology in Education mula sa https://www.edweek.org/ew/issues/technology-in-education/index.html

Malipot, Merlina. DepEd disputes claims that it is not ready for blended learning mula sa https://news.mb.com.ph/2020/06/08/deped-disputes-claims-that-it-is-not-ready-for-blended-learning/

Published by rheneerosegonzaleslim

Teacher, student, consultant, curriculum developer, author

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started