Isa Para Sa Lahat

Nabanggit ni Romiszowski (1997) na mga aspetong nakaiimpluwensya sa pamimili ng kagamitang pampagtuturo una ang layunin sa aralin, sumunod ang uri ng mag-aaral at ikatlo kung abeylabol ang paghahanguan. Bilang isang guro naisip ko na maraming pagkakataon na naging makasarili sa ilang mga aktibidad na pinagawa sa mga dating naging mag-aaral. Una kasi sa akin ang pagtugma ng layunin at inaasahang resulta sa pipiliin kong kagamitang pampagtuturo ngunit minsan nakalilimutan ko ang dalawang aspeto na binanggit ni Romizowki. Madalas kasi akong magpaggamit ng mga gadget at iba pang elektronikong kagamitan bilang bahagi ng aking pagtuturo, sa paraang ito ay nakikita ko na nagiging handa ang aking mga mag-aaral hindi lang sa aking liksyon kundi sa kaalamang teknikal. Kasalukuyan akong nagtuturo sa kolehiyo na napakamakabago sa larangan ng teknolohiya at suportado ang mga guro sa iba pang kagamitang pampagtuturo kaya malaya ako na makagamit ng mga ito, kaya kapag may mag-aaral na nagsabi sa akin “Mam wala po ako access sa MS application” “Mam hindi po ako marunong ng GoogleDrive” ” Mam wala po kasi kami ganyan sa probinsya” Hindi ako makapaniwala at sa tingin ko ay gumagawa lamang sila ng dahilan upang hindi makasumite ng mga pangangailangan sa kurso.

Matapos ko basahin ang liksyon sa ating aralin namulat ako na tama nga ang edukasyon ay para sa lahat may gadget man sya o hindi man alam ng mag-aaral ang teknolohiya bilang guro tayo ang nararapat umisip ng paraan upang makasali sya sa pag-alam at pagtuklas ng bagong karunungan. Naalala ko bigla noong ako ay nag-aaral sa UP Diliman sa aking batsilyer na kurso, panahon na nawalan ng trabaho ang aking ama sa kompanya sabi ng propesor ko ay kailangan namin magpresenta ng powerpoint bilang pagtugon sa takdang-aralin, wala akong pambayad sa computershop kaya ang ginagawa ko lahat ng detalye ay hinahanap ko sa aklatan. Imbis na powerpoint ay mga lumang Manila paper ang gamit ko, yung likod ang sinusulatan ko, imbis na magbigay ako ng handouts na printed at compuuterized sa mga kaklase at guro ko ay tyinaga kong isulat sa malinis na papel at ipa-photocopy na lamang ng marami upang makatipid. Pamasahe lang kasi ang dala ko noon. Dahil sa aralin nating ito bumalik sa aking alaala ang lahat ng ito. Mahirap maging mahirap lalo kapag nag-aaral ka at inaamin kong nakalilimutan ko ito ngayong guro na ako.

Sana sa ngayong isyu ng distant learning ay hindi malimutan ng mga namumuno sa DEPED ang konsiderasyon sa mga mag-aaral na walang access sa mga kagamitang pagkatuto. Isama natin sila, isa para sa lahat, lahat para sa isa. Sabay-sabay na pagkatuto, Ito ay karapatan ng bawat isa.

            

            

            

Published by rheneerosegonzaleslim

Teacher, student, consultant, curriculum developer, author

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started