Aktibidad 3 sa Modyul 8

Nais kong ibahagi ang aking karanasan noong ako ay nasa unang taon ng pagtuturo, asignaturang Filipino para sa mga dayuhan ang aking itinuro at noon ay hindi pa naman gaano kagamitin ang projector o laptop sa loob ng klasrum, wala pa akong laptop at tanging whiteboard lamang at mga upuan ang makikita sa aming klasrum noon. Kaya madalas kong gamitin ang mga non-projected materials. Batay sa ASSURE na modelo ay mahalagang makilala mo ang uri ng mga mag-aaral at sa danas ko noon ay puro Koreano at Hapones ang aking mga mag-aaral, masasabi na zero knowledge sila sa wikang Filipino (Tagalog ito tawagin ng mga dayuhan kong mag-aaral), mahirap makuha ang kanilang atensyon at kung makukuha ito ay napakabilis silang antukin kaya mahalaga na laging may dalang visual materials. Isa dito ay ang paggamit ko ng flashcards, ang mga flashcards ko ay may nakalagay na wastong bigkas sa bagay at may kasama pang larawan. Kadalasan ginagawa ko itong Drill sa mga mag-aaral kong dayuhan tuwing umaga Umang paghasa na rin sa kanilang dila sa pagbigkas. Maliit lang ang klasrum at ang bawat klase ng Filipino para sa dayuhan ay nasa 9-15 mag-aaral lamang kaya hindi na kailangan ng malalaking flashcard para mabasa nila ito.

Gumagamit rin ako ng mga poster at maiikling comic strip na ako ang gumawa para sa aktibidad sa pagbasa at pagpapalawak ng bokabularyo ng mga dayuhang mag-aaral na isa sa mga pangunahing layunin sa pag-aaral nila ng asignaturang Filipino.

Masasabi kong napakahalaga ng mga non-projected materials na ito para sa pagkatuto dahil mas flexible itong bitbitin, walang teknikal na problemang maaring mangyari, maaring gamitin sa klase na hindi nakauubos ng oras hindi tulad ng projector/laptop na kailangan ay ihanda na bago pa man magsimula ang oras ng klase upang di makaubos ng oras na nakatalaga sa pag-aaral.

Sa aking danas napakalaki na naging tulong ng mga non-projected materials sa aking pagiging guro, naiayon ko ito sa uri ng mag-aaral na aking naturuan.

Published by rheneerosegonzaleslim

Teacher, student, consultant, curriculum developer, author

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started