Panahon ng Pandemya at Pagkatuto

Sa unang pagsabak pa lamang sa asignatura, naisip na napapanahon na matutunan ang mga nilalaman ng aralin dahil sa hamon ng kasalukuyang sitwasyon ng pandemya sa buong mundo. Ang paggamit ng mga elektronikong kagamitan upang mas mapadali ang pagtuturo at pagkatuto ay hindi na bago sa akademya lalo na sa mga paribadong institusyon/paaralan. Kasama na ito sa kagamitang pagkatuto ng bawat klase.

Sa pamamagitan ng paggamit ng Midya at iba pang elektronikong kasangkapan ay mas nauunawaan ng mag-aaral ang talakayan, mas naisasabuhay ang mga leksyon sa mas napapanahon at praktikal na pamamaraan. Nagkakaroon ng kulay at buhay ang dating kartolina at Manila paper na bitbit ng mga guro. Mas madali na ang pagbuo ng mga pagtataya at pagbibigay ng puntos. Hindi na kailangang pilitin ang mga mag-aaral na magbigay ng atensyon sa talakayan. Maaring makahanap ng mga dagdag pang materyales ang mag-aaral babasahin man o panonoorin sa loob ng internet na hindi lamang nakasalig sa sinabi ng guro sa loob ng klase. Tunay nga na nakapagbibigay laya sa pagkatuturo at pagkatuto ang paggamit ng iba’t ibang uri ng midya.

Sa kasalukuyan hindi mamumukod ang paggamit ng iba’t ibang elektronikong kagamitan sa pagkatuto sa mga pangpribado bagkus isyu ito maging sa pampublikong paaralan kung paano mapapatupad ang blended learning, virtual learning, home school learning na mungkahing solusyon ni Leonor Briones ( Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon) Lumabas ang isyu ng karapatang matuto para sa lahat at hindi lamang sa may kakayahan at kagamitan. Nagmungkahi ng solusyon na sa pamamagitan ng modyul, radyo at telebisyon. Lahat ay nag-aabang sa tagumpay at bisa ng gagawing paraan ng pagkatuto ngayong darating na Agosto na simula ng pasukan.

Bilang guro hindi man panahon o hindi man panahon ng pandemya ay nararapat na pursigihin ang sarili ng iba’t ibang paraan kung paano mapagbubuti ang proseso ng pagtuturo-pagkatuto gamit ang iba’t ibang midya at kagamitang pang-elektroniko. Hindi lamang ito hamon sa panahon ng pandemya kundi dati pa itong hamon sa ating lahat na paunlarin ang sarili sa pamamagitan ng pagkatuto ng panibagong paraan ng pagtuturo gamit ang mga pang-elektronikong kagamitan.

Sana sa pamamagitan ng asignaturang ito ay mapaunlad ko ang aking kaalaman sa kagamitang pagtuturo.

Hanguan:

Benjamin Herold. Technology in Education mula sa https://www.edweek.org/ew/issues/technology-in-education/index.html

Malipot, Merlina. DepEd disputes claims that it is not ready for blended learning mula sa https://news.mb.com.ph/2020/06/08/deped-disputes-claims-that-it-is-not-ready-for-blended-learning/

Guro at Estudyante

Isang mapagpalang araw sa atin lahat, sana ay ligtas tayo sa pandemya ng COVID19. Ako si Rhenee Rose Gonzales-Lim nasa ikatlong semestre na ako para sa sertipikasyon ng Propesyunal na pagtuturo. Ako ay kasalukuyang guro sa IAcademy sa asignaturang Filipino ng SHS at kasalukuya ring Content at Curriculum Developer ng APEC schools. Ako po ay nagtapos ng batsilyer, Masterado ng Wikang Filipino sa UP Diliman, Ang pagiging guro ay masasabing walang katpusang pagkatuto. Habang nabubuhay ang isang guro ay nagnanais pa syang matuto hindi lamang sa kanyang sarili kundi para sa kanyang mga estudyante. Walang perpektong guro ngunit naniniwala akong may mabuting guro. Nais kong maging mabuting guro sa anumang aspektong naiintindihan ko at naiintindihan ng aking mga mag-aaral ang aking pagtalakay, isang tagumpay ang makitang nagagamit nila sa praktikal na pamumuhay ang aral nila sa akin. Sana po ay maunawaan nyo po ako Sir kung gagamitin ko ang wikang Filipino sa ating E-Hournal dito po ako sanay at nais pang pagbutihan. Ang pagkatuto at pag-unawa ay hindi lamang sa wika nakikita kundi sa kaalaman na nakuha ng isipan.

Sana ay marami akong matutunan sa ating kurso na maari kong magamit sa aking pagtuturo at pagsulat ng libro.

Huling Blog na Hindi Babalibag

Pagninilay sa asignaturang EDS 103

Madami akong natutunan sa EDS 103 , una ang magsulat ng blog. Yes dati di ko alam kung paano magsulat ng blog ngayon may maipagmamalaki na ako na kahit sino pwede na makapabasa ng Blog ko. sa pamamagitan ng blog na ito madami akong natutunang naibahagi ko sa mga mambabasa. Natutunan lalo na sa larangan ng Edukasyon.

Napagtatnto ko matapos ang semestre na komplikado ang pagkatuto. Hindi tinapay na isusubo lang, lulunukin ang mabubusog na ang sinumang mapagbigyan mo. Ang pagkatuto ay isang kompleks na bagay na kailangang pag-aralan sa pamamagitan ng iba’t ibang teorya (Behavioral, Social, Cognitive at Constructivist)

Bilang guro nararapat nating obserbahan ang ating mga mag-aaral sa kanilang gawi, paraan ng pag-iisip at kapaliguran dahil may malaking epekto ito sa kanilang paraan ng pagkatuto. Nararapat tayong humanap ng sapat na istratehiya at mapaparaan kung paano maituturo ang asignatura ( pagkuha ng atensyon, pagbigay ng pabuya sa bata atbp) May magagawa tayo bilang guro upang makatulong na mapaunlad ang pagkatuto sa ating mga mag-aaral.

Ito ang hamon na ibinibigay sa atin ng EDS 103, maaring ito ang maging huling blog ko sa asignaturang ito, ngunit ito ang paumpisa ng mas marami pang blog kung saan ibabahagi ko ang aking danas bilang guro hawak hawak ang mga natutunan sa EDS 103.

Bida Kayo

Nag-aral ako noong elementarya na ;ahat ng sasabihin ng aking guro ay ililista, iintindihin at iyon ang tiyak na mga pangungusap na lalabas sa pagsusulit. Kapag ikaw ang palasunod sa guro ikaw ang masasabing matalino. Ngayon bilang guro masasabi ko na iniwasan ko ang ganitong paraan ng pagtuturo una dahil hindi puppet ang mga estudyante ko at ikalawa matalino sila para maging Parrot.

Iniwasan at lumihis ako sa ganitong moda. Kahit nakapapagod ay sinisigurado ko na ang bawat mag-aaral ko sa loob ng klase ang bida. Hindi ako o ang Prinsipal, kundi sila lang at walang iba. Ginamit ko ang kakayahan ko sa sining ng pagtatanong sa bawat talakayan upang hindi lamang ang pakahulugan ko sa termino ang magiging wasto. Ang aking karanasan ay hindi nangngangahulugang kawastuhan. Lagi ko sinasabi sa aking mga mag-aaral “Kayo ang gumagawa ng inyong pagkatuto, ako ay gabay lamang”

Ako yung gurong mahilig magpalaro, ako yung gurong mahilig magtanong, ako yung gurong mahilig magpasadula, ako yung gurong may pakielam sa danas ng mga bata, ako yung gurong naniniwala na ang likha ng mga estudyante ko ang susunod na magiging kahanga-hanga sa buong mundo. Naniniwala ako sa kanilang paglikha, naniniwala ako sa susunod mas magiging matalino sila sa akin at iyon ay aking kagalakan. (naiiyak ako habang sinusulat ko ito kasi malapit na sila grumaduweyt sa kolehiyo)

Gusto kong maniwala sila sa sarili nilang kakayahan, ayokong matali sila na ang nakatatanda ang laging tama, ayokong maniwala lamang sila sa kanilang mga napapanood o nababasa ng walang pagkritika. Dapat sila ay magkaroon ng sariling buhay, dapat sila ay marunong gumawa at bumuo sa sarili nilang mga kamay. Ang mumdo ay hindi pinggang laging nakahain nararapat na matuto kang magbayo ng palay at isaing ito sa gayon ay maging malusog.

Bagong Simula sa Pagtatapos

Ito ang pagtatapos ng klase na marami akong bibitbiting baon sa hinaharap. Bago man mag-umpisa ang kursong ito ay masasabing isa ako sa mga guro na nais maging mahusay sa pagbuo ng mga pagtataya/asssessment ngunit hindi magawa. Sa pamamagitan ng kursong ito mas naging malinaw sa akin ang responsibilidad ng guro ay hindi lamang magsalita sa unahan at maggrado, obligasyon rin nating maging mahusay bumuo ng mga diagnostic, formative, summative, criterion-referenced at iba pang uri ng assessement. Hindi lang para sa sweldo kundi sa pagmamahal sa mga estudyante.

Natutunan kong hindi lahat ng assessement/ pagtataya ay mahusay at mabuti. Nararapat itong maging valid, reliable at well aligned sa mga pamantayan ng pagkatuto. Sabi nga sa balbal na salita “Pasok sa Banga” makuha mo ang dapat na matutunan ng mga mag-aaral hindi lang basta may maitanong ka.

Binigyan importanya ko na rin ang kapangyarihan ng fidbak at naninindigan ako na dapat isama ito sa bawat kalendaryo ng paaralan na hindi na sasapat na basta pag nabigay ang pinal na eksam o proyekto ay tapos na ang school year.

Marami akong natutunan at napahalagahan sa kursong ito na maisasabuhay ko bilang guro ngayon at sa susunod pang henerasyon ng kabataan

Rubrik at Fidbak

Rubrik at Fidbak… ito yung kasama sa araw-araw na mundo ng mga guro at estudyante. Ang guro gagawa ng mga pamantayan/rubrik paano gagraduhan ang isang mag-aaral batay sa ipinakitang galing/husay sa isang gawain. Fidbak, magbibigay puna, suhestyon, panunuri ng guro sa ipinamalas ng mag-aaral. Laging magkapareha ang dalawang ito. Kung may pamantayang ibinigay dapat malaman ng pagbibigyan mo ng pamantayan kung at kung paano nya ito isinagawa, dapat pa bang pagbutihan? ilang porsyento ang tama o maling nagawa? sa anong punto mas dapat paghusayan? ano ang mga hakbang ang dapat isagawa upang mas mapahusay? kahinaan at kalakasan? Kaya nararapat lang na ang dalawang ito ay sasalamin sa layunin ng paksa at sistematiko ang pagbuo.

Pampaaralan man o sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan ay may Rubrik at Fidbak na sinusunod ang tao. Sabi ng lipunan ang pagiging mabait na misis ay maging malambing sa mister, maging mahusay na kusinera at labandera, mapag-alaga sa mga anak, maging malinis sa bahay, hindi bungangera, magaling sa kama, maunawain kahit lokohin, mapagpatawad sa lahat ng pagkakamali ng mister, hindi nanghihingi ng sweldo sa mister bagkus ay naghihintay abutan, magaling tumawad sa palengke at nararapat na panatilihin ang pagiging sariwa at mabango, ito yung Rubrik ang hirap di ba? may lebel na 1-5 yan. Fidbak ang pagsabi sa misis ng kanyang byenan “Mali yata ang dami ng nilagay mong asukal sa kape ni Francis” ” Kuskusin mo dapat maigi ang sahig hanggang pumuti” ” Sa susunod magiging mahusay kang misis dahil sa aking mga payo”

Ang daming Rubrik at fidbak loob at labas ng paaralan ang daming magbibigay ng pamantayan at madaming maaring masabi masama man o mabuti. Nasanay na nga ang mga tao sa ganung kalakaran. Sa lahat ng sinabi at inilatag ang tanong natuto ka ba?

Pagkatuto, hindi Pagka-uto

Dating nagpa-uto ngunit ngayon ay natuto

Marami sa danas ng aking pagkatuto sa elementarya ay matatawag na teacher-centered o direct instruction, kung saan ang mga guro ang hari sa loob ng klasrum. Ang mga impormasyon at mga katotohanan ay manggaling lamang sa guro at ang mga estudyante ay isang pasibong tagapakinig at tagapanood sa guro. “Utos ng hari, hindi mababali”. Tila ba ang mga guro namin ay sina Vina Morales at Donna Cruz na nagpe-perform sa harapan habang kami ay nakanganga.

Nang ako ay pumasok sa UP Diliman, nagtaka ako bakit hindi ganito ang kinalakihan kong pag-aaral, ang mga guro ay hindi direktang bida sa loob ng klasrum, madalas na ang pagtatalakayan at baggan ng isipan ay nanggagaling sa mismong bibig ng mga mag-aaral habang ang guro ay nagmamasid at nagiging facilitator sa talakayan. Kaming mag-aaral ang bida sa aming pagkatuto.

Nang ako ay binigyan ng pagkakataong magturo at medyo tumalino sa mga teorya sa edukasyon ay niyakap ko ang Social Constructivist ni Lev Vygotsky. Gusto ko iparamdam sa aking mga mag-aaral ang hindi ko naramdaman nung ako ay nag-aaral sa elementarya. Inangat ko ang kolaboratibong gawain, hindi direkta sa mga aklat ang pagtalakay kundi kolektibong paghahabi ng mga kaalaman ang pinahalagahan. Marami pa akong kakaiining bigas sa larangan ng pagtuturo, alam kong mapapa-unlad ko pa ang aking kakayahan bilang guro para sa mga susunod na henerasyon.

Kognitibo, progresibo

Estudyanteng-gurong naglalayong matuto

Isa sa mga kakayahan natutunan ko mula sa pagkabata ay ang kakayahan sa pagmememorya, pagtanda ng mga bagay sa isang leksyon kaya malaking dahilan ito na lagi ako nasa section 1 mula elementarya hanggang hayskul, tumanim sa aking isipan na ang matalinong bata ay magaling sa memorya. Habang ako ay lumalaki natuklasan ko na hindi iyon lamang ang batayan ng kagalingan, dahil sa mahuhusay kong guro sa UP na nagbigay ng mas reyalistikong pagkatuto. Mahalaga ang retensyon at memorya sa isang mag-aaral, sa paraang ito nakikita ang pokus at lawak ng atensyon na ibinibigay ng mag-aaral. Isa itong kakayahan sa pagkatuto na makatutulong upang maging matagumpay ang proseso ng pag-aaral ngunit hindi lamang ito ang dapat paunlarin, kasabay nito ang pagpapaunlad ng pag-uugali at analitikal na pag-iisip.

Gusto ko

Pagninilay ng isang estudyanteng guro

Noong ako ay estudyante mas gusto ko magbasa ng tambak na babasahin at mga libro na required na ipinabibili sa paaralan. Mas gusto kong magkabisado at sagutan ang mahahabang True or False at Fill in the Blanks. Ang resulta? Naging matalas ang aking pictographic memory, nung nasa kolehiyo ako nagtaka ang aking propesor” Ms. Gonzales may leakage ka ba ng mga exam?” (Gonzales pa ako dati, dalaga pa) nagtataka sila dahil kahit gaanu karami ang ipabasa ay kaya kong sagutan ang identification part, kahit yung pinakamaliit na detalye ng libro ay maibibigay ko ang page number kung saan ko ito nakita. Matalas na memorya yan ang naging produkto. Marami sa aking mga guro ang tradisyunal ang uri ng assessment na ibinibigay, standard, may kailangan tiyak na sagot. Habang natatakot ang mga ibang estudyante sa mga ganitong mga pagtataya, ito naman ang gustong gusto ko.

Nang pumasok ako sa UP Diliman, nakasalamuha ako ng mga gurong hindi tradisyunal, kaya naming magklase sa ilalim ng puno, may gurong puro pagsulat ang ginawa, may gurong nagpapalaro bilang pagtataya. Madami, iba-iba, nagkaroon ako ng ideya na hindi naman pala kailangang nakatali sa ballpen at papel ang pagbibigay ng eksamen. nang una ako naging guro, halong tradisyunal at hindi-tradisyunal ang aking eksamen/pagtataya. Nanjan yung aking mga tanong ay nasa palayok, nagpapa-relay ako, nagpapa-amazing race, nagpapa deal or no deal, nagpapa-kahoot, mentimeter at anu ano pang mapapakinabangang aplikasyon sa gadget para sa aking assessment. Naalala ko noong ako ay nag-aaral siguro bibigyan ko na perfect score ang gurong katulad ko hahaha dahil “masyadong makulay ang bawat assessment ni Gng. Lim” Paborito ng mga mag-aaral ko ang pagiging malikhain at mapaglaro ng aking imahinasyon na hindi nila napapansin na natututo sila sa kabila na natatawa, nag-eenjoy sila. Gusto kong maranasan nila ang hindi ko gaano naranasan sa aking mga guro gusto ko maranasan nila ang Maximum experience in learning, gusto ko silang maging competitive sa buhay na hindi lang kayang mag-memorize ng isang buong libro, matatalino ang mga kabataan ngayon, may iba-iba man sila pokus matatalino sila. Teknolohiya na ang nagpapagalaw sa mga buhay nila, nararapat nating sumabay bilang guro upang matuto sila sa nararapat nilang matutunan at mapapakinabangan ng mga susunod pang henerasyon. Luma na yung “Kami dati” mas magandang sabihin na “Tayo ngayon” tayong mga guro ang pag-asa ng susunod na henerasyon at sa simpleng pagbibigay ng ating kabuuan, ang pagbibigay ng oras upang makabuo ng mga pagatatayang/assessement na kapaki-pakibangan sa aktwal na buhay ang hamon sa atin.

LODI

Mga idolong inspirasyon mula noon hanggang ngayon

Kung anuman ang meron ako at kung ano ako ngayon ito ay impluwensya ng mga taong tumulong na mahubog ako. Mga taong nakita, tinitigan, ginaya at naging inspirasyon ko sa aking mga gawain negatibo man o positibo.

Ang aking magulang, si Mama at si Papa (Susie at Reni) ang una kong hinangaan. Bakit ako matapang dahil sa aking ama. Naalala ko nung may nam-bully sakin sinabihan akong “Balut Kulot” narinig ng aking ama, sabi nya sakin “Hindi ka gaganti?” Kaya sinugod ko yung nanukso sakin, hindi nakielam si Papa, sa lakas ng kamao ko dumugo ilong ng nanukso at hindi na umulit. Ayaw kasi ni Papa na naapi ako, ganun din ang nakita ko sa kanya , hinding hindi ko siyang nakitang matalo. Naalala ko pa habang nasa sasakyan kami may sigang bus driver na ginigitgit ang aming sasakyan, ang ginawa ni Papa bumamba sa kotse at dinamba ang driver ng bus saka sinakal(Kung uso CCTV nun talagang mag-viral si Papa)

Si Mama ay kanaliktaran ni Papa, malunay sya, lumalaban lamang kapag nasa tama. Mahaba ang kaniyang pasensya at walang sawang kalinga ang ipinakita niya. Lagi niya kaming pinaglulutuan ng pagkain, kasabay ng walang pagod niyang pag-aasikaso ng bahay. Dahil duon kaya ako naging organisadong tao. Magaling ako sa iskedyuling at napagkakasya ko sa iisang katawan ko ang lahat ng responsibilidad sa tatlong trabaho ko.

Pinakamalapit ako sa aking Ate Otchi(Rosalyn ang kanyang buong pangalan) Ngunit hinangaan ko siya sa lalo ngayon dahil nakita ko ang kanyang laks sa pagkatao na hindi sumusuko sa hamon ng buhay. Siguro ito yung tapang na gusto kong mapasaakin. Bumagsak sa akademya-nakangiti, nakick-out sa school dati-nakangiti, sinubok sa pag-ibig- nakakapag-joke pa, ngayon sa kanyang anak ay panibago siyang pasgsubok -nakangiti pa rin, samantalang ako bumagsak lang ako dati sa quiz gusto ko na tapusin ang buhay ko. Hanga ako sa kapatid ko ang lakas ng kanyang pagkatao. Kung may tapang akong nais makuha hindi yung kay Papa, yung kay ate Otchie ang nais kong tapang. tapang na hindi nakasasakit.

Marami akong naging guro ngunit si Mam Portia Padilla ang masasabi kong pinakamagaling kong naging propeseor sa UP Diliman nang kinukuha ko ang aking batsilyer. Dati ayokong magturo ngunit nang makita ko siya sa kanyang husay sa pagtuturo gusto kong maging siya. Lagi niyang binibigyan ng saya ang klase kasabay ng malalimang pagtalakay sa edukasyon. Naranasan namin mag-tumbang preso sa loob ng klase, may basagang palayok pa si Mam! Ang galing! Hindi siya nagagalit kahit kagagali-galit ang aming seksyon ngunit pinaliliwanag nya samin mabuti ang aming pagkakamali. Hindi mahalaga sa kanya na bumagsak o pumasa kami sa eksamen, ang mahalaga sa kanya ay natuto kami. Ginaya ko ang kanyang Mini- library. Meron kasi si Mam na bahagi ng mga librong pambata sa UP library at iyon ang pinakagusto kong puntahan noong ako ay mag-aaral niya. Bukas lamang ito sa kanyang mga mag-aaral, ang daming libro ni Mam. Araw-araw kong pinupuntahan, wala kasi ako masyadong libro noong ako ay bata pa kaya nang nakita ko ang mini-library ni Mam Portia bumalik sa aking ang kagustuhan kong makapagbasa ng mga kwentong pambata. Tuwang-tuwa ako. Ngayon nangongolekta na rin ako ng ng mga kwentong pambata, nakakadalawang kabinet na ako. Gusto ko rin ipabasa ito sa mga mag-aaral ko. Napakalaking bahagi ang naiambag ni Mam Portia Padilla sa akin bilang guro. Sabi nga “Pay it Forward” Ngayon ang kasiyahan na ibinigay niya sa amin ay ibinabahagi ko naman sa aking mga mag-aaral. Masasabi kong magaling akong guro dahil laging Outstandig ang ebalwasyon sa akin ng mga mag-aaral. Higit sa pagiging outstanding ang ipnakita namin ni Mam Portia na dedikasyon sa pagtuturo.

Iba-iba ang aking mga lodi/idol may negatibo at positibo. Hindi ko ito inilahad upang husgahan ngunit pagpapatunay na hindi ako perpektong tao. Iba-iba ang impluwensyang nakuha ko. Matapang, mahinahon, matiyaga at mahal ang pagtuturo. Ito ako bilang tao, hindi perpekto ngunit totoong tao na nagnanais na maghulma ng susunod na henerasyon.

Link sa Aktibidad naModel and Mentor of My life

Design a site like this with WordPress.com
Get started