Isang Repleksyon sa EDS 103 sa konsepto ng Intelligence
Sa lipunan na ating ginagalawan napakahalaga na matawag kang “May Utak” “Matalino” “Mahusay” Masasabing kong mapangMATA ang mundo para sa kategorya ng utak. Bata ka pa lang ipagmamalaki na ng iyong mga magulang kung anong bahagi ng puzzle ang iyong nasosolusyunan, ipapakabisado na sa iyo ang mga Kapital ng mga bansa at ilang salita sa iba-ibang wika, sasabihin”Matalino ang anak ko mana sa tatay”. Sa pagpasok mo sa elementarya, hayskul at kolehiyo ay kailangan makapasa sa IQ entrance exam. Ang nakalulungkot dito sa lahat ng school entrance exam na nakita ko tanging PNU at UP lamang ay may bahagi na ang panuto ay nakasulat sa wikang Filipino(Hindi ako nag-exam sa PUP kaya di ko alam) Buti na lamang MATAtalino rin tayong umintindi sa dayuhang wika-(We are trained to be a call center Agent Nation) . Kapag Magtatrabaho na mayroon pa ring exam na kailangang ipasa o paalam na sa pangrap mong trabaho.
Paano kaya kung hindi ko naiapsa ang mga ito? Si Bob na ba ako kapag bumagsak ako? Hindi na ba ako mana sa Tatay ko?
Masasabi ko masyadong mapangMATA ang mundo, masyadong hindi pantay sa hindi MATAtalinong tao. Tawaging Bob, Anga, Ungas, Mahina, T_ng_ at kung anu-ano pang kataga ang idinidikit sa hindi matatalino. Gaano pa ba kasakit ang mga salitang nararapat tiisin? Sana maging pantay ang mundo. Kung hindi naman dahil sa bayolohikal at silang nakapag-aral at silang hindi kumakalam ang sikmura ang may kapasidad maging matalino. Uunahin pa ba ang utak kaysa sa kumakalam na sikmura? Uunahin pa bang unawain ang iba-ibang teorya kaysa sa naninigas na kalamnan? Hindi lahat ng tao ay may kakayahang maging matalino, hindi lahat ng tao ay may kapasidad para dito, hindi lahat ng tao may oportunidad sa pagpapaunlad ng sarili na inasahan ng mapangmatang lipunan. Kaya … Tama na, Awat na tigilan na paghihiwalay sa Matatalino at Hindi Matatalino. Itigil na ang kategorya ng paghihiwalay ng dalawang ito dahil parehong tao yan, may utak at puso. parehong tao yan nagmamahal, nasasaktan at nangangarap. Huwag mong tignan na napakaliit niya kung hindi niya masagot ang konseptong inaasahan mo.
Habang ang mundo ay nagsasabing MATA-talino, ito ang lunsaran ng mapang-api at mapang-MATA na reyalidad na tadhana natin sa loob ng lipunan.

